Budget sa PUP, Dagdagan, Dagdagan, 'Wag Bawasan!

Dagdagan, Dagdagan, ‘Wag Bawasan, Budget sa PUP!
Apat na taon akong nag-aral sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Produkto ako ng Sintang Paaralan, at taas noo ko itong bitbit. Maraming oportunidad ang nagbukas sa'kin. Dito ko rin mas natutunang mahalin ang inang bayan; maraming aral at karanasan ang hanggang ngayon dala ko, hindi lamang mula sa mga propesor, kundi pati na rin sa mga kapwa ko estudyante at pakikisalamuha sa ordinaryong Pilipino.
Pero kasabay ng pagmamalaking iyon, nakakalungkot ding isipin ang realidad sa loob ng pamantasan.
Sa loob ng apat na taon, tila naging normal na sa amin ang pagkawala ng kuryente. Naaantala ang mga klase at naghihintay na lang kami kung kailan ito babalik.
Karamihan sa mga silid ay kulang sa bentilasyon. May pagkakataong umiikot ang katawan ng bentilador pero hindi ang elesi nito. May iba namang hindi na talaga bumubukas dahil sa kalumaan.
Hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang muling pagpapatayo ng North Wing building sa Main Campus.
Ultimo sa mga banyo, ramdam ang kakulangan. Totoo ang sinasabi na ginupit na plastic container ang ginagamit naming tabo. May mga pagkakataon ding nawawalan ng tubig.
Student-athletes face their own difficulties. Walang maayos na living quarters and training facilities, insufficient ang masusustansyang pagkain and allowances. We expect athletes to keep up with their studies, train, and represent—not just the university, but at some point, the country—pero nananatiling ganito ang kalagayan nila.
Marahil para sa iba mababaw na problema lang ito: pawala-walang kuryente, sirang electric fan o improvised na tabo might seem like a small matter. Pero araw-araw itong karanasan ng mga estudyante.
Isipin natin why are students always the ones expected to adjust? Tama bang makuntento at tanggapin na lang ang sitwasyon?
Malaking bagay ang libreng tuition. Para sa maraming pamilya, kabilang ako, ito ang dahilan kung bakit nagiging posible ang kolehiyo. Pero hindi dapat doon nagtatapos ang suporta sa edukasyon.
Sa kabila ng mga pangangailangang nakikita at nararanasan sa estudyante ng PUP, taon-taong nababawasan ang pondo nito.
Humigit-kumulang 135,000 ang nag-apply sa PUP ngayong taon. Matagal na ring kinikilala ang mga nagtapos dito bilang pinipili ng mga kumpanya. Ipinapakita nito kung gaano karami ang umaasa sa Sintang Paaralan at kung gaano kalaki ang naiaambag nito.
May pagkakataon ang Kongreso na suriin ang panukalang pondo at tugunan ang mga pangangailangang nararanasan mismo ng mga mag-aaral.
Hindi sapat na purihin ang sipag at tiyaga ng mga iskolar ng bayan habang hinahayaang magtiis sila sa ganitong kalagayan.
Hindi lang ito panawagan para sa PUP. Karapatan ng bawat estudyante na makapag-aral nang maayos, nang hindi kailangang masanay sa kakulangan.
Dagdagan ang pondo sa edukasyon, ’wag bawasan.

Comments