Bakit Parang Normal Nalang ang Hirap?

Sa Pilipinas, naging normal na ang makaranas ng hirap. Kapag tumataas ang presyo ng pagkain, pamasahe, at iba pang pangangailangan, ang unang naiisip ng marami ay kung paano pagkakasyahın ang pera kaysa kung bakit patuloy na lumalaki ang pagitan ng kita at gastusin.
Bilang lider-kabataan, nakikita natin 'to hindi lamang sa balita kundi sa sarili nating pamilya at komunidad. May mga estudyanteng kailangang magtipid sa baon, may mga magulang na kailangang magdoble-kayod, at may mga kabataang maagang natututong dumiskarte dahil alam nilang hindi laging sapat ang pwede na.
Kahanga-hanga ang pagiging matatag at madiskarte ng Pilipino, pero minsan kailangan din nating tanungin kung hanggang saan dapat ang pagtitiis. Madalas nating marinig ang "ganyan talaga ang buhay" o "kailangan lang magsipag." Totoong mahalaga ang sipag, pero hindi lahat ng problema ay kayang solusyunan ng sipag lang. May mga pagsubok na nangangailangan ng mas maayos na oportunidad, serbisyo, at sistemang hindi lamang umaasa sa kakayahan ng bawat tao na makaraos. Hihintayin pa ba natin ang salitang "ganyan talaga" ang maging huling salita?
Hindi dahil bata pa tayo, kailangan na nating akuin ang lahat ng bigat ng mundo. Pero hindi rin ibig sabihin na mananatili na lang tayong tahimik habang unti-unti itong nasisira.
Bilang Kabataan, pu-pwede tayong magsimula sa maliliit na bagay, sa pagtatanong, sa pagsasalita kapag may nakikitang mali, sa tamang paggamit ng social media, at sa pagtulong sa ating komunidad. Hindi man natin kayang baguhin ang buong mundo, pero kaya naman nating maging bahagi ng pagbabago para sa isang mas maayos na komunidad.
Bilang kinabukasan ng bayan, ang kabataan ay nagtataglay ng natatanging potensyal upang maging ahente ng positibong pagbabago.
Bagama’t hindi inaasahang agad na malulutas ng ating sektor ang mga komplikadong suliranin ng bansa, malaki ang ating maiaambag sa pamamagitan ng kritikal na pag-iisip, pakiki-alam at responsableng aktibong pakikilahok.
Sa ating mga paaralan, lokal na komunidad, at maging sa mga plataporma ng social media, may kakayahan tayong magbahagi ng beripikadong impormasyon, mag-abot ng tulong sa kapwa, at maging boses ukol sa mga isyung direktang nagpabigat sa estado ng mamamayan. Kasabay nito, mahalagang baguhin ang nakasanayang pananaw sa katatagan, ang tunay na resilience ay hindi dapat sukatin sa kung gaano karaming hirap o sistematikong kakulangan ang kaya nating tiisin, kundi sa ating kolektibong pagkilos upang mag-hangad at bumuo ng mas makatarungang lipunan.
Siguro ang tunay na pagbabago ay magsisimula kapag hindi na lang natin tinatanong, “Paano natin kakayanin?” kundi “Ano ang maaari nating gawin upang hindi na kailangang maranasan ito ng iba?”
Hindi natin kailangang hintayin na magkaroon tayo ng posisyon bago gumawa ng pagbabago. Minsan, nagsisimula ‘to sa paggamit ng maliit na oportunidad na meron tayo para gawing mas madali ang buhay ng ibang tao.


Comments