top of page
Search

Ang Resiliency Tuwing Bagyo

Writer: Arthur Capco
Arthur Capco
Sep 8
1 min read

Tuwing may bagyo o sakuna, lagi nating naririnig ang salitang “resilient”—matatag daw tayong mga Pilipino. Ginagawa nating katatawanan ang paglusong natin sa baha. Pinipili nating ngumiti sa kabila ng pinsalang iniwan ng bagyo. Natitiis natin. Nakangiti tayo. Pero nakakapagod din, ‘di ba? Tila ba ginagawa na lamang palusot ng mga nasa puwesto ang pag-romantisa sa ating pagtitiis.


Ang labis na pagpupuri sa ating “resilience” ay nagiging panakip-butas upang ilihis ang atensyon mula sa mga pagkukulang ng sistemang dapat sana’y nagpoprotekta sa atin.

Bakit ba taon-taon tayong binabaha kung may pondong inilaan para sa flood control? Bakit paulit-ulit nating nararanasan ang parehong problema, habang ang ating “katatagan” ang tila inaasahang sasalo sa lahat ng pagkukulang? Sinasamantala ang ating kakayahang magtiis.


At hanggang ngayon, napakaraming tanong ang nananatiling walang malinaw na sagot at walang napapanagot.

Hindi naman sana natin kailangang maging ganito katatag. Hindi natin kailangang maging eksperto sa pagtitiis. Kung maayos na ginagawa ng gobyerno ang trabaho nito, hindi dapat normal na bahagi ng buhay natin ang paulit-ulit na pagbangon mula sa parehong problemang maaari namang maiwasan.


Dahil ang tunay na sukatan ng isang resilient na bansa ay hindi kung gaano karami ang kayang tiisin ng mamamayan. Makikita ito sa dami ng problemang kaya nitong ayusin.

At higit sa lahat, sa isang gobyernong hindi hinihintay na maging matatag ang mga Pilipino bago nito gawin ang trabaho nito.

 
 
 

Comments


bottom of page